May mga bagay talagang hindi ko maintindihan. Minsan, mahirap lang talagang intindihin. Marami na akong napagdaanan, sinakripisyo.
__________________________________
Nitong nagdaang mga araw, marami akong naging paroblema. Normal na sa aking magkaroon ng problema. Nagkataon lang talagang sabay-sabay sila. Pilit ko itong kinakaya kahit sobrang bigat. Halos buhat ko ang buong mundo noong mga panahong iyon. Sa lahat ng pagsubok, marami na akong sinakripisyo, natutunan at naramdaman. Pero siguro hindi ko lang talaga lubusang naintindihan.
Umiyak ako. Hindi lang isang beses. Walang nakakaalam. Nakukuha ko pa ngang ngumiti eh. Pero hindi ko na ata talaga kinaya. Hindi ko na kayang itago. Naghanap ako ng kalinga, lumapit kung kani-kanino --kaibigan, kaklase. Sinabi kong hindi ko na kaya at naiiyak na ako, walang pumansin kahit pa ang matalik kong kaibigan. Abala sila sa kani-kanilang gawaiin. Madami na akong sinakripisyo, wala man lang tumulog sa akin. Asa na lang ba sila ng asa? Dahil wala akong makapitan, nagpatuloy ako, ngumingiting halata namang hindi totoo.
Sa sobrang inis na rin siguro at wala na akong makapitan, binuhos ko na. Hindi ko na talaga kaya. Nakita nila ako at tinanong kung bakit. Syempre sinabi ko naman pero hindi lahat. Minsan mas magandang hindi na lang sabihin ang ibang bagay. Natuwa din naman ako dahil gumawa sila ng paraan para matulungan ako pero sa kabilang banda, ang sa akin lang huwag naman nilang ipamukha. Alam ko naman yung ginawa nila eh. Huwag naman sana silang tumulong para sa kapalit nito.
Nagpatuloy ang araw na medyo gumaan na din naman ang pakiramdam ko at pinilit na makalimot sa ibang bagay. Pauwi na kami. Hindi alam ninuman ang talagang nangyari. Akala siguro nila ayos na ang lahat. Tawa dito, tawa doon. Dumating ang oras na ako na naman ang puntirya nila. Sa una, nakisakay lang ako pero sumosobra na sila. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. May nasabi ako na hindi nila maintindihan at alam kong kahit kailan hindi nila maiintindihan.
Pagkauwi ko, tumawag ang matalik kong kaibigan at tinanong kung ano daw bang problema. Sabi ko madami. Anu-ano daw yun. Ayaw kong sabihin dahil gusto kong sa akin muna lahat. Mapilit siya hanggang dumating ang oras na sumuko siya. May sinabi din siyang alam ko namang ako ang tinutukoy kahit itanggi niya ito.
Nakakapagod din naman daw. Nakakasawa. Nakakasawa na daw ang hindi mapansin ang mga ginagawa nila. O sabihin nating pangmo-motivate nila. Minsan naisip ko, hindi ko ba yun napapansin o pinipilit gawin? Hindi ba nila napapansin na pati ako napapagod na? Marami na din naman akong naisakripisyo para sa kanila. Pero sabagay, wala naman akong magagawa kung sawa na siya 'di ba? Nasa kanya na iyon kung ipapagpatuloy niya. Nung ako ba yung nangangailangan, lagi ba sila nandiyan? Bakit kung kailan gusto kong sarilihin muna at ayusin ang lahat sa sarili kong sikap saka nila ako kukulitin para tulungan? Nung kailangan ko ng kalinga galing sa kanila, nasaan sila? Hindi ko lang talaga kayang intindihin. Minsan hindi lang sila ang napapagod, ako din. 'Di hamak na tao lang din naman ako. Alam ko din yung nararamdaman nila. Wala naman kasing perpekto di ba?
__________________________________
Ngayon, eto ako pilit ibinabaon ang lahat sa nakaraan. Pinipilit maging masaya, linilibang ang sarili. Sayang naman kasi ang sembreak. Minsan lang ito sa isang taon.
__________________________________
Masanay ka na, ganyan lang talaga ang buhay. Bahagi na 'yan. Isipin mo na lang na may magandang darating pagkatapos ng lahat ng hirap..
__________________________________
Ang gusto ko lang naman ay limitasyon.
Ang mga pampublikong bagay ay ipahayag,
ang mga pribadong bagay ay panatilihing pribado, at
ang ibang bagay na hindi na dapat sabihin ay kailangang maging pansariling lihim na lamang...
__________________________________