Wednesday, October 12, 2011

May Bahagi ang Buhay Mo

Sa katapusan ng araw, maraming bagay ang mapapagnilayan mo. Minsan sa buhay mo, tinatanong mo kung sino ba ka bang talaga. Sino ka ba para sa sarili mo at sa kanila.

Ang buhay ng isang tao ay binubuo ng maraming bahagi. Mayaman ka man o mahirap, maputi o maitim, kahit anong sabihin mo iba ka sa sarili mo at sa ibang tao. Ang buhay mo ay binubuo ng iyong pampubliko, pribado at isang lihim na buhay. Ang pampublikong buhay ng isang indibidwal ay ang nakikita ng kahit sinumang taong nakakakita sa iyo. Ito ay kung paano ka tumugon sa kapaligiran mo sa harap ng ibang nilalang sa paligid. Ang pribadong buhay naman ang kabaliktaran nito. Ito ay ang buhay mo na ang mga pinagkakatiwalaang tao mo lang o mga taong nakakakilala sa iyo ng totoo ang nakakaalam. Dito mailalagay ang mga pangyayaring sa pagitan mo lang sa sarili mo at iilang tao ang kasama sa naganap. Ito ay kung saan ang tunay na ikaw ay naipapakita. Sa kabilang banda naman, mayroon parin tayong isang lihim na buhay kung saan ang mundo nito ay umiikot lamang sa sarili mo. Lahat tayo may ganito. Sa gabi bago matulog, maiiwan kang nag-iisip ng mga bagay-bagay at kadalasan dito lumalabas ang gusto mong gawin na hindi mo kayang ipakita sa iba. Ito ay ang buhay mong ayaw mong ipakita sa iba kahit sa mga pinagkakatiwalaang tao na nakapaligid sa iyo.

Sa mga bahagi ng buhay, isang bagay ang laging tandaan. Mas magandang ipakita kung sino ka na gusto mong makita nila at hindi ang ipakita kung sino ka na gusto nilang makita. Mapa-publiko man yan o pribado, kahit lihim pa ito, kailangan mong mabuhay sa sarili mo. Mabuhay ka para sa sarili mo para sa ibang tao. Tulungan mong magbago ang tunay na ikaw upang mabago mo ang mundong ginagalawan mo.


Ipakita mo kung sino ka talaga na gusto mong makita nila at hindi kung ano ang gusto nilang makita.