Monday, October 31, 2011

xxPersonalxx

May mga bagay talagang hindi ko maintindihan. Minsan, mahirap lang talagang intindihin. Marami na akong napagdaanan, sinakripisyo.

__________________________________
Nitong nagdaang mga araw, marami akong naging paroblema. Normal na sa aking magkaroon ng problema. Nagkataon lang talagang sabay-sabay sila. Pilit ko itong kinakaya kahit sobrang bigat. Halos buhat ko ang buong mundo noong mga panahong iyon. Sa lahat ng pagsubok, marami na akong sinakripisyo, natutunan at naramdaman. Pero siguro hindi ko lang talaga lubusang naintindihan.

Umiyak ako. Hindi lang isang beses. Walang nakakaalam. Nakukuha ko pa ngang ngumiti eh. Pero hindi ko na ata talaga kinaya. Hindi ko na kayang itago. Naghanap ako ng kalinga, lumapit kung kani-kanino --kaibigan, kaklase. Sinabi kong hindi ko na kaya at naiiyak na ako, walang pumansin kahit pa ang matalik kong kaibigan. Abala sila sa kani-kanilang gawaiin. Madami na akong sinakripisyo, wala man lang tumulog sa akin. Asa na lang ba sila ng asa? Dahil wala akong makapitan, nagpatuloy ako, ngumingiting halata namang hindi totoo.

Sa sobrang inis na rin siguro at wala na akong makapitan, binuhos ko na. Hindi ko na talaga kaya. Nakita nila ako at tinanong kung bakit. Syempre sinabi ko naman pero hindi lahat. Minsan mas magandang hindi na lang sabihin ang ibang bagay. Natuwa din naman ako dahil gumawa sila ng paraan para matulungan ako pero sa kabilang banda, ang sa akin lang huwag naman nilang ipamukha. Alam ko naman yung ginawa nila eh. Huwag naman sana silang tumulong para sa kapalit nito.

Nagpatuloy ang araw na medyo gumaan na din naman ang pakiramdam ko at pinilit na makalimot sa ibang bagay. Pauwi na kami. Hindi alam ninuman ang talagang nangyari. Akala siguro nila ayos na ang lahat. Tawa dito, tawa doon. Dumating ang oras na ako na naman ang puntirya nila. Sa una, nakisakay lang ako pero sumosobra na sila. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. May nasabi ako na hindi nila maintindihan at alam kong kahit kailan hindi nila maiintindihan.

Pagkauwi ko, tumawag ang matalik kong kaibigan at tinanong kung ano daw bang problema. Sabi ko madami. Anu-ano daw yun. Ayaw kong sabihin dahil gusto kong sa akin muna lahat. Mapilit siya hanggang dumating ang oras na sumuko siya. May sinabi din siyang alam ko namang ako ang tinutukoy kahit itanggi niya ito.

Nakakapagod din naman daw. Nakakasawa. Nakakasawa na daw ang hindi mapansin ang mga ginagawa nila. O sabihin nating pangmo-motivate nila. Minsan naisip ko, hindi ko ba yun napapansin o pinipilit gawin? Hindi ba nila napapansin na pati ako napapagod na? Marami na din naman akong naisakripisyo para sa kanila. Pero sabagay, wala naman akong magagawa kung sawa na siya 'di ba? Nasa kanya na iyon kung ipapagpatuloy niya. Nung ako ba yung nangangailangan, lagi ba sila nandiyan? Bakit kung kailan gusto kong sarilihin muna at ayusin ang lahat sa sarili kong sikap saka nila ako kukulitin para tulungan? Nung kailangan ko ng kalinga galing sa kanila, nasaan sila? Hindi ko lang talaga kayang intindihin. Minsan hindi lang sila ang napapagod, ako din. 'Di hamak na tao lang din naman ako. Alam ko din yung nararamdaman nila. Wala naman kasing perpekto di ba?

__________________________________

Ngayon, eto ako pilit ibinabaon ang lahat sa nakaraan. Pinipilit maging masaya, linilibang ang sarili. Sayang naman kasi ang sembreak. Minsan lang ito sa isang taon.

__________________________________

Masanay ka na, ganyan lang talaga ang buhay. Bahagi na 'yan. Isipin mo na lang na may magandang darating pagkatapos ng lahat ng hirap..

__________________________________

Ang gusto ko lang naman ay limitasyon.
Ang mga pampublikong bagay ay ipahayag,
ang mga pribadong bagay ay panatilihing pribado, at
ang ibang bagay na hindi na dapat sabihin ay kailangang maging pansariling lihim na lamang...

__________________________________

Estudyante

Mahirap maging estudyante. Totoo iyan. Walang taong nadalian sa pagiging isang estudyante. Hindi ka nag-iisa. Sa buhay kasing ito, walang madali. Kailangan mo talaga ng pagsisikap, sipag at tiyaga...

Sa pagiging estudyante mo lang malalaman ang napakadaming bagay sa mundo. Oo nga't may alam ka na pero hindi pa ito sapat. Madami kang pagdadaanan. Madadapa, masasaktan, babangon, iiyak, tatawa. Marami ka ding mararanasang lungkot at saya. Babagsak ka sa pagsusulit, papagalitan ng guro, liliban sa klasa, pupuntang clinic. Lahat iyan magiging parte ng buhay mo...

Sa panahong ito, minsan sasabihin mong sana makatapos ka na. Ayaw mo nang maging isang mag-aaral. Pero huwag kang magsalita ng tapos dahil sigurado akong pagdating ng araw, sasabihin mo ding "Sana estudyante pa rin ako". Dahil sa pagiging estudyante, may kalayaan kang ituwid ang pagkakamali mo na kayang tanggapin at ituro ng iba. May kadamay ka pa at may aalalay sa iyo.

Sa pagiging estudyante, malalaman mong ang buhay ay patuloy lang...

Sunday, October 16, 2011

Kotse|Buhay Mo

Ang buhay mo ay parang kotse. Hindi ito aandar kung walang gasolina at magmamaneho.

Ang Panginoon ang magsisilbing gasolina ng kotse mo. Siya ang magpapatakbo ng buhay mo, saan ka man mapadpad o tumigil. Naplano na niya lahat. Kung hanggang kailan ka magmamanehong mag-isa, kailan ka hihinto at kung kailan ka makakarating sa patutunguhan mo.

Ikaw ang nagmamaneho. Ang Panginoon ay ginagabayan ka lang, Ikaw pa rin ang pipili ng daang tatahakin mo. Pero huwag kang mag-alala, nandiyan lang siya saan ka man tumungo, hindi magsasawang gabayan at alalayan ka.

Ang mga taong sumasakay at bumababa sa kotse mo ay ang mga taong makakasama at makakasalamuha mo sa buhay mo. May mga taong makikisakay lang at meron din namang taong tuturuan ka kung paano ba ang tamang pagmamaneho. Nandiyan din ang mga taong tutulong sa iyo sa oras ng pangangailangan.

Ang daan na dinadaanan mo ay ang magiging pundasyon ng buhay mo at ito ay patungo sa patutunguhan mo. Malubak man ang daan kung minsan, kapag nalagpasan mo naman ito, isang magandang bagay ang makakamtam. Parang problema, kapag nalagpasan mo lahat, matuto ka at maaabot lang ng pangarap mo.


Gaya nga ng kotse, dadating at dadating ang panahon kung saan mararating mo na ang dulo ng iyong paglalakbay. Sa panahong ito, inaasahang maaasam mo na rin ang pinakamagandang pangyayari sa buhay mo. Makakapiling mo ang Panginoon kung saan wala ng sakit at puro kaligayahan na lang ang mararamdaman mo.

Ang kailangan mo...

Hindi mo kailangang maging perpekto para sa iba o sa kanya. Ang kailangan mo ay isang tao na tatanggapin ka kung sino ka bilang ikaw na hindi perpekto. Walang tao ang ginawang perpekto dahil lahat tayo pantay-pantay. Lahat tayo nabubuhay ng hindi perpekto para matututo at makatayo sa sarili nating paa.

Para magustuhan ng ibang tao, hindi mo kailangang maging espesyal o bongga. Ang kailangan mo lang ay magpakatotoo at maging simple. Ang pagiging simple ang pinakamagandang paraan para magustuhan ka ng ibang tao. Ito ang pinakamagandang bagay na magagawa mo para sa sarili mo at sa iba.

Kung susumahin, wala ka talagang kailangan. Magpakatotoo ka lang at ang Diyos na ang bahalang magpa-andar ng kotseng minamaneho mo.



Ang pagiging ikaw ang pinakamagandang gawin para sa sarili mo at sa kapwa.

Wednesday, October 12, 2011

May Bahagi ang Buhay Mo

Sa katapusan ng araw, maraming bagay ang mapapagnilayan mo. Minsan sa buhay mo, tinatanong mo kung sino ba ka bang talaga. Sino ka ba para sa sarili mo at sa kanila.

Ang buhay ng isang tao ay binubuo ng maraming bahagi. Mayaman ka man o mahirap, maputi o maitim, kahit anong sabihin mo iba ka sa sarili mo at sa ibang tao. Ang buhay mo ay binubuo ng iyong pampubliko, pribado at isang lihim na buhay. Ang pampublikong buhay ng isang indibidwal ay ang nakikita ng kahit sinumang taong nakakakita sa iyo. Ito ay kung paano ka tumugon sa kapaligiran mo sa harap ng ibang nilalang sa paligid. Ang pribadong buhay naman ang kabaliktaran nito. Ito ay ang buhay mo na ang mga pinagkakatiwalaang tao mo lang o mga taong nakakakilala sa iyo ng totoo ang nakakaalam. Dito mailalagay ang mga pangyayaring sa pagitan mo lang sa sarili mo at iilang tao ang kasama sa naganap. Ito ay kung saan ang tunay na ikaw ay naipapakita. Sa kabilang banda naman, mayroon parin tayong isang lihim na buhay kung saan ang mundo nito ay umiikot lamang sa sarili mo. Lahat tayo may ganito. Sa gabi bago matulog, maiiwan kang nag-iisip ng mga bagay-bagay at kadalasan dito lumalabas ang gusto mong gawin na hindi mo kayang ipakita sa iba. Ito ay ang buhay mong ayaw mong ipakita sa iba kahit sa mga pinagkakatiwalaang tao na nakapaligid sa iyo.

Sa mga bahagi ng buhay, isang bagay ang laging tandaan. Mas magandang ipakita kung sino ka na gusto mong makita nila at hindi ang ipakita kung sino ka na gusto nilang makita. Mapa-publiko man yan o pribado, kahit lihim pa ito, kailangan mong mabuhay sa sarili mo. Mabuhay ka para sa sarili mo para sa ibang tao. Tulungan mong magbago ang tunay na ikaw upang mabago mo ang mundong ginagalawan mo.


Ipakita mo kung sino ka talaga na gusto mong makita nila at hindi kung ano ang gusto nilang makita.

Friday, October 7, 2011

Desisyon Mo, Buhay Mo

Ang buhay mo ay minsang bunga ng sarili mong desisyon. Anumang tama o mali, ang pipiliin mo pa rin ang mananaig. Simpleng oo o hindi man ang pagpipilian mo, sigurdong may malaking epekto 'yan sa magiging takbo ng buhay mo. Huwag mong mamaliitan ang mga bagay na akala mong wala lang. Akala mo lang iyon sapagkat lahat ng bagay dito sa ginagalawan mo mahalaga. Hindi mo lang iyon alam.

Kung malungkot ka, huwag mong hayaang matabunan nito ang saya na mayroon ka sa puso mo. Kung pipiliin mong maging malungkot at ibabalewala ang mga saya, ikaw ang bahala. Desisyon mo 'yan. Walang sinuman ang makakapagpaligaya sa iyo kung yan ang pinili mo kundi ang sarili mo lang. Madaming dahilan para maging masaya. Huwag mong sabihing walang dahilan na maging masaya ka. Ang mabuhay sa mundong ito ay isa ng bagay para maging maligaya. Kung hindi ka pa rin kontento, may bukas pa. Hindi naman masamang umasa sa bukas di ba? Minsan ito pa nga ang nagbibigay pag-asa sa iilan para ipagpatuloy ang kanilang buhay. Basta tandaan mo ang desisyon mo ang laging masusunod, hindi desisyon ng ibang tao.

Sa pagdaan ng mga araw, hindi maiiwasang piliin ang isang desisyon na pagsisishan mo. Huwag kang mag-alala. Hindi pa huli ang lahat. Hindi mo man pwedeng ibalik ang nakaraan, darating ulit ang panahon kung saan pipili ka ulit. Sa panahong ito, piliin mo na ang tama at ang gusto mo dahil ito na ang pagkakataon mong bumawi. Tandaan mo ikaw lang mismo ang magpapa-andar ng sarili mong kotse. Anuman ang kalabasan ng lahat, huwag mong sisihin ang sinuman. Ikaw ang nagdesisyon, hindi sila. Kung ipagpipilitan mong sila ang may kasalanan at nagdesisyon, bakit hindi mo tanungin ang sarili mo. Bakit mo sila sinunod? Ikaw pa rin ang nagdesisyon sapagkat sinunod mo sila. Mag-isip at magnilay ka kung ano ba talagang daan ang tinatahak mo. Kakaliwa ka ba o kakanan? Ikaw ang bahala.




Ang simpleng desisyon ay maaaring magdulot ng malalaking pangyayari sa buhay ng isang tao. Kahit oo o hindi lang yan, kaya nitong baguhin ang buhay mo.